Sana tapos na. Sana. Sana.
Ito ang paulit-ulit na bumubulong saking isipan. Di ko alam kung sinong nagsasabi. Di ko alam kung saan nanggagaling.
Yan din ang laman ng halos lahat ng statusboxes ng mga nasa listahan ko sa YM. Lahat hinihiling na matapos na. Lahat nagmamadali. Lahat gusto ng makatikim ng pahinga.
Habang ako'y nakaupo, nag-iisip at ipinipindot ang mga salitang napupulot ko sa nalulusaw ko ng utak, tila ba bumagal pa ang oras. Oo, pumayapa ang mundo. Tumahimik pero bumagal ang oras.
Humaba pa lalo ang pagitan ng sakripisyo at ang kapalit nitong saya. Ang akala ko, natin, nila, namin, mo, ninyo na pagwawakas ng paghihirap na ito ay hindi pa rin abot-kamay.
Naabot man ito ng ating mga palad, unti-unting ito'y dumudulas palayo. Palayo ng palayo hanggang sa ito'y dahan-dahang maglaho sa panigin.
Kung ito man ay nahuli na natin sa ating nakakuyom na mga kamay, ito'y nagpupumiglas at dahan-dahang makakawala. Maihuhulog. Mabibitawan. Mababasag. Tuluyang madudurog hanggang sa ang pinakamaliit na piraso ng bubog nito ay di na natin makikita pa.
Bagama't dumating man ang hinihintay nating katapusan, kapalit naman nito'y panibagong mga alalahanin. Maigapos man natin at maitali sa puno ng nara ang ating inaasam na pagtatapos, tayo naman ay maaaring habangbuhay ng nakagapos sa kapalarang hindi na magkaroon ng kalayaan mula sa mga pagsubok na ito.
Magkagayon man, wag sana tayong panghinaan ng loob. Ang panghinaan ng loob ay katumbas lamang ng pakikinig sa sermon ng pari pero hindi mo naman matandaan kung anong mga pinagsasabi nya pagkaalis mo.
Wag kang yumukod o maawa sa sarili. Ang magsa-walang pakialam ay laging talo. Ang magsa-walang kibo ay para lamang sa mga walang pangarap.
Ang mundong ito'y itinakda na tumakbo sa ganitong paraan. Tumingala ka at tumingin sa langit. Aabutin ko ang liwanag. Samahan mo ko. Makakaya natin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment