Paalala: Ang susunod na literatura ay kathang-isip lamang na hango sa isang tunay na pangyayari.
"Panaginip lang pala." Napabalikwas ako sa kalagitnaan ng gabi. Malamig na ang ihip ng hangin pero pinagpapawisan ako. Naisipan kong tumungo sa banyo upang maghilamos na siya namang aking ginawa. Sa paggapang ng tubig na ipinahid ko sa aking mukha, ako ay napatingin sa salamin. Halos wala akong makita maliban sa medyo madilim na repleksyon ng aking mukha. Maya-maya pa ay naging bughaw ang kulay ng mga mata ko sa salamin.
Nagliwanag bigla ang repleksyon. Isang nilalang na may puting kasuotan, pakpak ng ibon at buhok na parang sinulid na kumikinang ang pumalit sa mukha ko sa salamin. Nginitian niya ako. Bagamat nakapangingilabot ang mga nangyayari, hindi naman ako natakot. Yun ang nakikita ko sa kanyang mga mata.
Sa pagtitig ko sa kanyang mga maaamong bughaw na mata, hindi ko napansing naglaho na pala ang banyo at napalitan ng isang hardin na ang tanging bakod ay ang kabundukan at gubat na pumapaligid dito. Iniabot niya ang kanyang malambot na palad at nakipagkamay sa akin.
Parang nabasa niya ang aking isipan at sinabing, "Ako ikaw," habang kinakamayan ako. At sa pagkakataong iyon, nagliyab ang buong hardin. Biglang naging bulkan ang pinakamataas na bahagi ng kabundukan. Siya man ay biglang nagliyab kaya ako'y bumitaw.
Naglaho ang apoy na bumabalot sa kanyang katawan ngunit siya ay nanatili doon pero nagbagong anyo. Ang puting pakpak ng ibon ay napalitan ng pulang pakpak at kamukha ng sa paniki. Nagliliyab na pula din ang kanyang mga mata, parang puno ng galit. Puro din peklat ang kanyang mga braso.
Nilapitan niya ako. Nginitian at sinabing, "Ako rin ikaw." Iba ang kanyang ngiti. Malamig. Pinagmamasdan ko pa ang kanyang mga mata ng bigla niyang iangat ang kanyang kamay at ipinasok iyon sa aking dibdib. Hindi niya agad na binunot ang kamay pero kanyang pinaglaruan ang aking puso sa kanyang kamay. Masakit. Huminto siya sandali at inilabas ang kanyang kamay kasama ang aking puso.
Napapikit na lang ako at hinayaang bumagsak ang katawan sa lupa.
"Panaginip lang pala." Napabalikwas ako sa kama sa kalagitnaan ng gabi, pawis na pawis, hapong hapo. Kaya't naisipan kong maghilamos at doon ay napansin kong may kakaiba sa salamin, ang mga mata ko ay bughaw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment